Magandang araw at gabi sa lahat ng miyembro ng Hive. Ngayong araw ay isasalaysay ko ang karanasan ko bilang isang miyembro ng Kumonidad ng Hive. Hindi naging madali pero nagsusumikap para manatili.
Unang araw ng aking pagsali ay noong Hunyo 7. Ito ay nung nabasa ko galing sa isang blogsite ang tungkol sa Hive. Sa totoo lang, matagal ko ng nababas at napapanood sa youtube ang tungkol dito pero hindi ko binigyang pansin pagkat patungkol iyon sa laro. At dahil hindi ako mahilig maglaro ay di ko na pinagtuunan ng pansin at patuloy na naghanap ng mapagkakakitaan na libre lang. Ayaw ko na kasi sumali sa mga platapormang kailangan pang magbayad ng pera para sumali dahil ilang beses na rin akong naloko. Kaya, nung nabasa ko ang tungkol sa Hive kung saan hindi lang pala sa paglalaro kikita kundi pati sa pagsusulat ay sinubukan kung sumali. Walang alinlangan akong sumali at nag rehistro. Nagtanong na rin ako tungkol dun sa manunulat kung paano mag rehistro. Bagamat pareho kaming bagohan ay wala din siya masyadong pang alam. And tanging itinuro lang nya sakin ay paano gumawa ng introduksiyon. Kung saan ipapakilala ko ang aking sarili. Nang araw ding iyon ay sumulat ako ng introduksyon ngunit maikli lamang at hindi masyadong detalyado.
Kung iyong titingnan, kaunti lamang ang bigay ng curator sapagkat may nagkomento sa aking introduksyon at napagkamalang iisa laman kami nung nagpost ng nakaraang araw. Napagkamalan yata kaming scammer or ano pa man at parang kami ay parehong minamanmanan. Gustuhin ko mang magkumento ay hindi ko magawa sapagkat wala akong sapat na "Resource Credit". Tinanong ko yung kaibigan ko kung ano yun pero hindi nya masyadong naipaliwanag kaya hindi ko naintindihan. At dahil hindi maganda ang aking unang naging karanasan sa pinakauna kong post, naisipan kong wag muna ipagpatuloy dahil wala din naman akong resource credit na magiging tulong sakin para makapag-interaksiyon sa iba. Ni hindi ko naipalaiwanag o naipagtanggol ang aking sarili sa mga nag akalang ako'y gumaya or may ibang account sa hive. At pinabayaan ko lang ang aking account ng ilang araw.
Lumipas ang linggo at ilang araw, Hunyo 18 muli akong nag publish pero dahil wala pa ring alam, hindi ko nailagay sa isang kumonidad ang aking pangalawang post. Na naging dahilan na hindi nabigyan. Hindi ko din alam na pwede pala iyong e "cross post" sa isang kumonidad kaya hindi ko na lang pinakialaman.
At dahil hindi ulit ako makapag-publish, ilang araw ulit akong nawala at naging abala sa isang blogsite. Hanggang sa nabasa ko ang isang miyembro dito sa Hive nung nag publish ako ng artikulo sa kabila patungkol sa naging karanasan ko dito bilang isang baguhan. At doon, nagkumento siya at sabi ipagpatuloy ko ang Hive at ako'y kanyang pahihiramin ng HP. Hiningi Niya ang aking username at ilang minuto lng, nakita ko na may 10Hp ako sa aking wallet. Ang sabi niya'y makigpag-interact ako sa iba. At nung araw ding yun ay tiningnan ko ang kanyang profile at nakita ko na mahilig siya mag post ng kanyang mga lakad. Walang pakundangan akong nagtanong ulit sa kanya kung paano mag post doon sa kumunidad kung saan patungkol sa mga lakad sa iba't ibang lugar. Kaya pagkatapos nya akong turuan ay muli akong nag post at patungkol na ito sa mga lakad ko dati. Buti na lang talaga at aking naitago ang iba ko pang mga litratong kuha sa aming mga lakad. At mula noon, naging desidido na ako na e pukos ang Hive. At naghanap ng paraan para maintindihan ang website. Ang ginawa koy ni-log in ang aking account sa hiveblog at doon ko dahan-dahan binasa at nilimi ang patungkol sa Hive. Mahirap pero kahit papano ay may naintindihan akong kunti. Subrang saya ko pagkat sunod sunod ang aking natanggap.
Mula nun, inaraw araw ko na ang pag post. May mga araw na di nabibigyan pero patuloy pa rin. At dahil kumikita na ako, inimbita ko ang aking mga kaibigan na sumali. Dahan-dahan ko silang tinuruan. At paunti-unti ay pinapahiram ko sila ng HP para makapag-interact sila sa iba. Ang aking Tita @mitch18 nga lamang ang hindi ko napahiram dahil halos sabay lang kaming sumali mula ng nakapasok ako dito sa Hive. Pero ganun pa man, masaya ako at tila naging maayos naman ang naging resulta ng pag-imbita ko sa kanila pati ng aking kapatid na si @angge222, hindi nga lamang siya palagi nakakapost dahil pawala wala ang internet sa kanila.
Karanasan sa HivePh
Hindi rin nagtagal at sa pakikipaghalubilo ko sa ibang miyembro ng Hive, nabasa ko ang tungkol sa HivePh community. Meron ding nag tag sa akin na sumali daw ako sa webinar. Hindi ko alam kung ano yun pero sabi niya ay e download ko ang discord. Kung hindi ako nagkakamali ay si sis Jane ang nagsabi sa akin nun. At napadaan din ako sa sa isang post na hindi ko matandaan kung sino ang nagpost pero nakita ko ang pangalan ni wittyzell at indayclara at pareho silang nagkumento sa aking mensahe sa post na iyon. Namangha laman ako dahil pareho kami ng dialekto na bisaya kaya agad akong sumali sa group chat nila sa discord at doon ko nalaman ang patungkol sa webinar. Hindi ako nagdalawang isip na sumali at nakinig sa mga eksplinasyon na naging dahilan para matuto ako kung paano maging mabuting miyembro ng Hive. At ng dahil din sa webinar na iyon, naituro ko sa mga inimbita ko kung paano ang Hive. Bago ko pala sila inimbita ay tapos na akong nakasali sa unang webinar. Hindi ng lang ako nakasali sa pangalawa dahil buong araw at gabi na walang kuryente dito sa amin at lubos akong nanghinayang. Gayunpaman, naibahagi ko sa aking mga kaibigan ang aking natutunan at sila din ay pinagsabihan kong sumali sa discord ng sa ganun ay may matutunan din sila lalo at magagaling ang mga nagtuturo doon.
Subrang nakakatuwa ang mga tao doon sa HivePh community. Makikita mo ang kanilang kagustuhang maturuan ang iba. Kailangan lang talaga matuto at umayon sa mga rules oara maiwasang masita. Mabuti rin iyon para maging panatag ang loob mo kapag alam mong ginawa mo ang dapat gawin at di maging pasaway.
Kalaunan, nakilala ko si @erikasue sa isa kong post at doon na rin sa discord nung nagtanong siya kung tagasaan ako dahil pareho kaming bisaya. At nakapaglagayang loob ko na rin dahil pareho kami ng kursong kinuha at pati na major na Math. Mula nun, palagi na kaming nagpapalitan sa comment section at sa Hiveph. At siya din ang dahilan na pinasok ko ang pagkanta dito sa Hive. Dahil palagi niya akong sinasabihan na susupurtahan niya ako at wag daw akong mahiya.
Isang araw nagpaturo na ako paano mag set up sa threespeak para sa pinaka-una kong song cover dahil dumating na ang hiniram ko na condense mic sa aking nakababatang kapatid. Masaya kaming dalawa ni erika nuon dahil pareho kaming nag enjoy sa palaro sa HivePh kahit pareho kaming sumakit ang ulo at di makakuha ng tamang sagot. Tinuruan niya ko ng dahan-dahan at talagang naging maayos ang una kong post. Nabigyan agad ang aking ginawang post at pagkanta. Marami ang nagkumento na hindi ko maintindihan ang lenggwahe kaya kinabukasan ay tinanong ko siya kung anong gamit niyang app para ma translate ang lenggwahe. Nag reply pa siya nuon bandang ala 6 ng umaga at ako naman ay nag reply ng mga alas 8 ng umaga. Hinhintay ko ang kanyang sagot pero wala. Maingay din ako sa discord ng araw na iyon. May nakita pa ako na "Guys si Febe" pero hindi ko pinanson dahil di ko naman kilala at bigla ding nawala ang nag sent nun kahit may nagtanong kung sino si Febe. Patuloy ang maingay na diskusyon sa gc. At dahil nanay mode ako, di muna ako nag open ng discord. Nung hapon na, tiningnan ko sa discord baka kako may reply na si erika pero wala. Kaya nagpunta ako sa gc ng Hiveph at don ko nalaman ang masamang balita na naging dahilan para malungkot ang lahat. Hindi ko aakalaing tutulo ang luha ko sa lungkot dahil hindi ako makapaniwala. Subrang ikli ng panahon samin. At palaging bumabalik sa isip ko ang mga katagang "Go sis, susupurtahan kita palagi." Dahil yan ang mga salitang palagi niya sinasabi sakin. Kaya ipinangako ko sa sarili ko na kakanta ako dito sa Hive bilang isang pag-alala sa kanya bilang mabuting kaibigan na naging dahilan para mabago ko ang aking sarili sa kung ano ako ngayon. Nagkaroon din ako ng marami pang kaibigan dahil sa kanya at sa Hive at Hiveph. Magiging masaya ako sa Hive dahil sa kanya. Kaya ito ang aking mga gawa na sunod sunod may kanta sa aking blog at randam ko ang lungkot ng mga miyembro ng HivePh. Masaya rin ako pagkat sinusupurtahan ng iba at may mga nagkukumento rin sa aking mga gawa. Hindi ko makakalimutan si erika pagkat di ko magagawang kumanta sa harap ng kamera kung hindi dahil sa kanya. At alam ko na hindi lang sa akin malaki ang epekto niya kundi sa karamihan ng HivePh na rin.
At ngayon, ito na ang aking estado sa Hive. Tumataas na rin sa wakas ang reputasyon ko galing sa 25 na ngayon ay 61 na. Hindi man na araw-araw makapagoost, pero masaya ako at nakasali ako sa mga palaro. Masaya dahil nagkaroon ng mga kaibigan at mapagsasabihan ng problema at kumikita rin habang masayang nakikipagbardagulan sa mga kaibigan sa HivePh. Oo, maituturing ko na silang kaibigan dahil marami akong natutunan sa kanila mapamabuti man o kagaslawan haha. Sila din ang dahilan na nawawala ang depresiyon ko kapag nababasa ko sa gc ang kanilang masasayang bardagulan. Ipagdadasal ko talagang manatili ang ganitong estado ng pagtutulungan at pagkakaibigan.
Subrang saya lang at hindi nakakapanghinayang na maging isa sa mga miyembro ng kumunidad na ito. Dahil marami akong nakikilang mga mabubuting tao na nagbibigay ng mga aral at inspirasyon sa iba.
Nawa'y patuloy tayong maglayag at magsaya kasama ang ating kapwa miyembro dito sa Hive. Maraming salamat po sa pagbabasa.
(PS. sakit sa ilong ang tagalog, akala ko english lang howhow!!)
(PS ulit: Dalawang kwento po ito, bale kwento ko sa Hive mismo at sa HivePh community. Kasama na si erika na nakilala ko ng lubos dahil sa HIVEPH community.)