Magandang araw mga kaibigan!
Kung meryenda lang din ang pag-uusapan
aba'y di ko papatalo ang Nanay ko dyan.
Ang lagi nyang lapag sa hapagkainan,
ay ang pambatong pancit at biko suman.
Okay pack up na! Hanggang dyan lang ang kaya kong i-rhyme. 😆
So ito na nga!
Tuwing kami ay umuwi lagi naming nilalambing sakanya na ipagluto kami ng biko. Iba kasi ang biko ni Mama, ewan ko ha, kung anak nya lang ako kaya ko nasasabi yan pero baka ganun nga talaga. Hahaha Pero ang biko ni Mama ay di gumagamit ng ordinaryong asukal, sangkaka ang gamit yan, yan ang tawag namin sa panutsa ng Maynila.
Ang panutsa ay purong sabaw ng tubò na niluto at hinulma sa bao ng niyog. Matamis sya at masarap din papakin, kaya naman hinihiwa pa lang ni Mama ang sangkaka o panutsa para magluto ng suman ay di na namin mapigilan magsi-damputan. Noong mga bata pa kami iniuulam din namin ito sa kanin.
Tradisyunal si Mama magluto ng kanyang biko, di pa kasi uso noon ang tamad version na isasaing muna ang malagkit na bigas, ang kanyang paraan ay mahabang halukayan ng malagkit sa malaking kawa kaya naman pag alam naming magluluto na sya ng biko kanya-kanya na kaming pulasan.
Isa pang pambatong meryenda ni Mama ay ang pancit na guisado. Mapa may okasyon man yan o ordinaryong araw, masarap yung pancit nya kahit simpleng sahog lang.
Tuwing may mga handaan at may dala kami nang niluto niyang pancit, kakalapag pa lamang ng dalang bilao, saglit lang ay ubos na agad ito. Ika nga ng aking mga pinsan, sold out na naman ang pansit ni Tiyang. Pagbabagal bagal ka'y di mo na ito maaabutan.
Ikaw? Anung meryenda ang patok sa panlasa mo? Isulat mo na din yan dito sa tagalogtrail!
Ang mga larawan ay sa akin at sa akin lamang.
Para namang may nang-aakin e!