Bago ko sagutin ang tanong, gusto ko munang ikwento ang mga pangyayari bago kami nagpakasal ng asawa ko.
Tatlong taon kaming magkarelasyon ng asawa ko bago namin maisipang magpakasal. Hindi pala, ako iyong nag-isip na magpakasal.
Bakit?
Habang nag-aaral ako sa kolehiyo, may asignatura akong ayaw na ayaw kong pakinggan. Hindi ko kasi gusto ang mga paksa. Parang compliance lang sa akin kasi parte ng curriculum. Pero sa dinadami ng paksang napag-usapan ng asignaturang iyon, isang paksa lang ang tumatak sa aking isipan at dala-dala ko kahit tapos na ako sa pag-aaral. Ang paksa iyon ay ukol sa tamang edad ng pagpapakasal. Kapag ang edad mo ay dalawangput-lima at pataas ay hindi na kailangan ng parents’ consent kung gusto ng magpakasal ang magkarelasyon.
Kaya sinabi ko sa sarili ko na magpapakasal ako sa edad na dalawangput-lima kasi ayaw kung dumamay ng magulang ukol sa aking pag-ibig.
Ang nakakatawa ay isa akong miyembro ng NBSB, “No Boyfriend Since Birth” habang ako ay nag-aaral hanggang nakatapos sa kolehiyo, pero gusto kong mag-asawa sa edad na dalawangput-lima.
Kailangan ko ay nobyo para magawa ang plano ko. Dininig naman ng Panginoon ang gusto ko at nagkaroon ako ng nobyo sa edad na dalawangput-dalawa. May tatlong taon na pagitan para matupad ang plano ko.
Paano ko ba ipinaramdam sa asawa ko na gusto ko ng magpakasal?
Simple lang, Binantaan ko ang asawa ko. Hahaha, Gamit ang natutunan ko sa aking kamag-aral sa kolehiyo. Noong nasa ikadalawang taon na kami ng aming relasyon, sinabi ko sa kanya na: “Ang kilig sa relasyon ay hanggang dalawang taon lamang, sa susunod na taon ay companionship na lamang at malimit na lamang ang kilig, Kung wala kang plano, ay tapusin na natin to habang maaga pa.”
Epektibo naman po at naisipan na rin niyang magpakasal at ang plano ay sa susunod na taon. Tamang-tama kasi dalawangput-lima na kami sa susunod na taon at hindi na kailangan pa ng parents’ consent para magpakasal.
Kahit na hindi na kailangan pa ang parents’ consent, ginawa pa rin ng asawa ko ang tamang proseso ng pagpapakasal na nakasanayan ng ating mga ninuno.
Una niyang ginawa ay ang paghingi ng permiso ng aking mga magulang na gusto na niya akong pakasalan. Napakatapang ng aking asawa kasi siya lang talaga ang unang pumunta sa bahay at humingi ng permiso. Bilib din ako sa kaniya sa panahong iyon dahil napakagaling niyang sumagot sa mga tanong ng aking ama. Sanay na kasi siya kasi lagi siyang ipinatatawag ng punong-guro sa paaralan dahil malikot siya noong bata pa.
Pagkatapos pumayag ng aking ama, ang pamamanhikan naman ang sinunod. Hindi ko naisip na marami palang pag-dadaanan kapag gusto mo nang magpakasal. Simple lang ang pamamanhikan at hindi magarbo. Pumunta ang kaniyang pamilya sa bahay upang pag-usapan ang buwan at araw ng kasal at mga kondisyon kung meron man.
Pagkatapos ng pamamanhikan ay hindi na sumama ang aking asawa pabalik ng kanilang bahay at natulog ng isang gabi sa aming bahay dahil parte ito ng tradisyon na pagkatapos mamanhikan, ang lalaki ay mananatili sa bahay at magsisilbi sa pamilya ng babae.
Sa tanong naman.
Para sa akin, ang engagement ay depende sa anong klaseng tao ba ang iyong karelasyon. Kasi ako ay isang praktikal na tao at ayaw ng masalimuot na buhay. Hindi ko ini-expect na may engagement pa palang magyayari bago magpakasal pero dahil ang aking asawa ay masunuring bata, sinunod niya ang nakagawian.
Nakadepende talaga ang pagpapakasal sa karelasyon, kaya piliin itong mabuti.
Kung kayo ay nakarating sa parte na ito habang nagbabasa, ibig sabihin nakuha ko po ang inyong interest.
Maraming salamat sa pagbabasa. Sana nagustuhan mo ang aking blog ngayon. Huwag niyo pong kalimutan ang suporta sa pamamagitan ng pag-upvote, reblog at paglagay ng comment kung may gusto din kayong ibahagi at naka-relate po kayo sa aking blog ngayon.
May-akda: Maureen S. O.
Ang larawan ay pagmamay-ari ng aking asawa: Paul Vincent M. O